Target ngayon ng mga organizers ng Tokyo Olympics na ilipat umano sa Hulyo 2021 ang pagbubukas ng prestihiyosong sporting event na ipinagpaliban dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinasabing itatakda sa Hulyo 23 ang opening day ng Olympics, dahil sa nagpapatuloy na pandemic at sa kinakailangang haba ng oras ng preparasyon.
Una nang iminungkahi ni Tokyo Governor Yuriko Koike na dapat ilipat ang event sa panahon kung kailan hindi gaanong mainit.
Paliwanag ni Koike, mas pabor daw ito sa mga kalahok sa marathon at iba pang mga karera na hindi na magtitiis pa sa init na dulot ng panahon ng summer.
Sa kasalukuyan ay isinasapinal pa ng Tokyo 2020 team na pinapangunahan ni Yoshiro Mori ang posibleng mga petsa na paglilipatan ng Olympics, katuwang ang International Olympic Committee.
Ayon kay Mori, posibleng magkaroon na ng pasya hinggil sa isyu sa loob ng isang linggo.