Kinatigan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino si Department of Education Secretary Sonny Angara na dapat iprayoridad ng gobyerno ang sektor ng edukasyon at hindi dapat tinapyasan ng pondo ang DepEd para sa 2025.
Nagpahayag kasi ang dating Senate Committee on Finance chairman at ngayon ay kalihim ng DepEd ng pagkadismaya matapos bawasan ng halos P12 bilyon ang kanilang tanggapan sa panukalang 2025 national budget.
Sa halip na dagdagan, binawasan pa na aniya kabaliktaran sa nakagawian ng Kongreso kapag binubusisi na ang pondo sa bicam meeting para sa sektor ng edukasyon.
Bagama’t suportado ni Tolentino si Sec. Angara, ipinauubaya na ng senador sa mga miyembro ng bicameral committee ang pondo ng DepEd.
Ngunit ng matanong si Tolentino kung mahahabol pa at madagdagan ang pondo ng DepEd, tugon lamang nito ay na-ratify na ang 2025 General Appropriations Bill.