Naninindigan si Senate Blue Ribbon Committee chairman Francis Tolentino na walang rason o basehan para panagutin si dating Executive Secretary Victor Rodriguez sa sugar importation fiasco.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag matapos igiit ni Sen. Risa Hontiveros na dapat panagutin si Rodriguez dahil sa kanyang pag-iwas kung naganap o hindi August 4 meeting.
Sa kanyang interpellation sa Senate Blue Ribbon Committee report kaugnay sa sugar importation fiasco, sinabi ni Hontiveros na si Rodriguez, gaya nina dating Administrator Hermenegildo Serafica at dating Board Member Aurelio Valderrama ay dapat ma-reprimand sa hindi pagsisiwalat sa unang hearing na nagkaroon sila ng pulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tinalakay ang importation plan.
Pero sinabi ni Tolentino sa kanyang press briefing, wala namang nag-corroborate sa pahayag ni Serafica na nabanggit ni Pangulong Marcos ang 600,000 metric tons na asukal na aangkatin.
Inihayag din ni Tolentino na kailangan ding alalahanin na may mga nangyaring privileged communication kay Pangulong Marcos na dapat irespeto.