-- Advertisements --

Inanunsiyo ng San Miguel Corporation (SMC) ngayong araw na aalisin ang toll fees sa kanilang expressways sa piling mga oras para sa Christmas at New year holiday.

Ibig sabihin, magiging libre ang toll fee sa expressways na pinapatakbo ng kompaniya kabilang ang Skyway System, NAIA Expressway, South Luzon Expressway, STAR Tollway at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).

Maaaring ma-avail ang libreng toll mula alas-10 ng gabi ng Disyemrbe 24 o Christmas eve hanggang alas-6 ng umaga ng Disyembre 25 o Christmas day. Gayundin mula alas-10 ng gabi sa Disyembre 31 o New Year’s eve hanggang Enero 1 o New Year’s day.

Ayon kay SMC Chairman Ramon Ang, ang libreng toll fee ay ang kanilang paraan ng pasasalamat sa mga gumagamit ng naturang mga expressway na nakakatulong aniya sa libu-libong motorista na makauwi sa kanilang pamilya ng mas mabilis lalo na sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon.

Para naman matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga motorista, magpapakalat ang kompaniya ng patroller at security personnel sa mga kritikal na lugar. Nagtalaga din ng mga standby emergency response team simula kaninang tanghali ngayong Biyernes.

Pinayuhan naman ang mga motorista na planuhin muna ang biyahe at maglaan ng extra na oras sa biyahe. Tiyakin din na may sapat na load sa kanilang Autosweep RFID accounts para maiwasan ang pagkaantala sa biyahe at iwasan ang tailgating sa toll plazas.

Inabisuhan din ang publiko na magpasensiya partikular na sa Metro Manila kung saan inaasahan ang mabigat na daloy ng trapiko dahil sa dagsa ng mga patungo at palabas ng NCR ngayong holiday season.