Kinailangan pa ni Pampanga Gov. Dennis Pineda na makiusap na rin sa mga truckers na mag-pull out sa kanilang ginawang pagharang sa mga toll gate sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Pampanga.
Una rito, binarikadahan ng may 150 mga quarry trucks ang mga toll gate sa NLEX na nagdulot ng abala sa maraming mga motorista.
Isa-isang hinarangan ng mga truck na kasapi ng Pampanga Trucks and Haulers Association ang entrance at exit points ng NLEX toll gates sa San Simon, San Fernando City, Mexico, Angeles City, at Dau, Mabalacat City.
Ito raw ang kanilang paraan upang ipaabot sa pamunuan ng NLEX ang kanilang protesta lalo’t dalawang buwan na raw silang hindi pinapayagang makapasok sa nasabing expressway.
Ipinagbawal kasi sa NLEX ang truck dahil sa mga pagkukumpuni sa isang viaduct sa lugar.
Inirereklamo umano ng mga trucker ang mabagal na usad ng NLEX sa pagpapalabas ng allowable weight para sa kanila kahit handa naman daw silang lahat na sumunod.
Napag-alaman na malaking bagay ang quarry para sa Pampanga na pinagkukuhanan hindi lang ng pondo ng probinsya, kundi maging ng kabuhayan ng maraming residente.
Hinihintay pa hanggang ngayon ang pahayag ng NLEX sa nangyaring protesta ng mga driver. (with report from Bombo Jane Buna)