-- Advertisements --

Nakahanda na ang mga tauhan ng Toll Regulatory Board(TRB) sa inaasahang dagsa ng mga sasakyan at biyahero ngayong holiday season.

Ayon kay TRB spokesperson Juluis Corpuz, simula Dec. 20 hanggang Jan. 3, ipaptupad na ang heightened alert status sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos kung saan pangungunahan ng Department of Transportation ang pagbabantay sa mga lansangan.

Dito ay inaasahang magdedeploy ang DOTr, TRB, at iba pang kahanay na ahensiya ng karadgdagang personnel sa mga lansangan, toll plaza, at iba pang strategic areas upang umalalay sa mga biyahero.

Nakapulong na rin aniya ng TRB ang mga toll companies at nangako rin ang mga ito na magdadagdag sila ng mga personnel sa mga lansangan at mga malalaking toll plaza na kadalasang dinadaanan ng maraming sasakyan.

Maliban sa pagbibigay na assistance sa mga biyahero, nakatakda ring umalalay ang mga ito sa traffic management at emergency services.

Pinapatiyak din ng TRB sa mga toll operator na maging mabilis lamang ang pagdaloy ng trapiko sa kabila ng ilang mga reklamo sa nakaraan ukol sa mga ginagamit na Radio-frequency identification(RFID).

Ayon kay Corpuz, kailangan itong mabantayan ng mga toll operator dahil sa minsan ay nagdudulot ito ng mahaba-habang linya ng mga sasakyan, lalo na kung inaabot ng ilang minuto bago mabasa ang RFID. Una na rin aniyang tiniyak ng mga operator na babantayan nila ang naturang isyu.