-- Advertisements --

Pumanaw na ang miyembro ng British band na The Wanted na si Tom Parker sa edad 33 dahil sa cancer sa utak.

Sinabi ng asawa nitong si Kelsey na nalagutan na ito ng hininga sa kanilang bahay.

Pinasalamatan nito ang pagbuhos ng mga pakikiramay mula sa mga fans at mga malalapit na kaibigan nito.

Nanguna na nagpaabot ng pakikiramay ay ang mga kasama nito sa bandang “The Wanted” na sina Max George, Siva Kaneswaran, Nathan Sykes at Jay McGuiness.

Magugunitang noong Oktubre 2020 ng ibunyag ng singer na siya ay na-diagnosed ng brain tumor at kasalukuyan na itong sumasailalim sa gamutan.

Taong 2009 ng nabuo ang grupo kung saan pinasikat nila ang kantang “Glad You Came” at “Chasing The Sun” at noong Nobyembre ay inilabas nila ang compilation album na “Most Wanted”.