Sinimulan nitong Huwebes ang pagkakarga sa 69 na container vans ng mga basura para ibalik sa Canada.
Ayon kay Yeb Saño, executive director ng Greenpeace Southeast Asia at dating kinatawan ng Pilipinas sa climate change summit, babantayan nila ito hanggang maikarga ang huling bloke ng toxic waste.
Nabatid na bandang alas-2:00 ng hapon nang dumating sa Subic, Zambales ang Bavaria container ship na magdadala ng mga ito.
Agad na ililipat sa Burnaby ang mga iyon sa patnubay ng Metro Vancouver officials para mai-convert bilang electric energy.
Para naman kay Beau Baconguis ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), dapat hindi rito magtapos ang pananagutan ng Canada at matiyak ding hindi na mauulit ang garbage shipment.
Dahil sa ilang adjustment, tinatayang bukas na ng umaga makakaalis ang barko patungo sa destinasyon nito.