DAVAO CITY – Pinagkaguluhan ng mga tao ang tone-toneladang mga isdang dumagsa sa isang baybayin dito sa lungsod ng Dabaw.
Binigyang linaw ng BFAR XI na walang dalang trahedya ang sunod-sunod na mga pagdagsa ng maraming mga isda sa Davao City at Saranggai Province salungat sa nagkalat na mga maling akala at pangamba ng mga Dabawenyo.
Ayon kay Relly Garcia, OIC – Regional Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources XI tatlo ang kanilang nakitang dahilan kung bakit nagsidagsaan ang mga isdang tamban sa baybayin ng KM 13 Sasa, Lanang nitong lungsod at maging sa Saranggani Province.
Pangatlong beses na itong naganap dito sa lungsod ng Dabaw kung saan ang una ay noong January 10, 2024 sa Sasa, lungosd ng Dabaw, tatlong araw matapos ang 7.1 magnitude na lindol sa Sarangani, Davao Occidental at noong January 25, 2024 sa pantalan ng Island Garden City of Samal.
Narito ang pahayag ni Relly Garcia, OIC – Regional Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources XI.
Ayon sa impormasyon ng National Stock Assessment Program na sa 4th quarter ng 2023 ang season ng isdang tamban sa Davao Gulf pero nagextend ito sa unang quarter nitong taon.
Sa isinagawang fish and water sampling ng BFAR XI, napag-alaman na meroong presensya ng phytoplankton sa naturang pantalan na kadalasang kinakain ng naturang isda.
Sa kabila nito, wala naman naitalang reports o reklamo na may food poisoning dahil ligtas naman itong kainin ngunit kinakailangan lamang itong hugasan ng maigi upang maiwasang makakain ng dumi.