-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tatlong truck na naglalaman ng tone-toneladang frozen imported meat ang hindi pinayagang makapasok sa lalawigan ng Ilocos Sur dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF) virus.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni provincial quarantine officer Martel Quitoriano na nasabat nila ang mga nasabing imported na karne sa quarantine checkpoint sa Barangay Bio, Tagudin Miyerkules ng umaga.

Kumpleto umano ang mga dokumento ng mga nasabing produkto at hindi naman tinakasan ng mga driver ng truck ang checkpoint ngunit karamihan kasi sa mga ito ay nanggaling sa Germany na nitong nakaraan ay isa sa mga bansa na pinagbawalang panggalingan ng mga karne ng baboy dahil sa banta ng nasabing virus.

Ilan pa sa mga nasabat na imported na karne ay nanggaling sa France at Spain.

Nakikipag-ugnayan na umano si Quitoriano sa main office ng Department of Agriculture para sa tamang disposal ng mga imported na karne dahil wala umanong sapat na makina o equipment ang lalawigan para sa pagdispose sa mga ito.

Pinangangambahan kasi na kahit kaunting tubig lamang mula sa mga karne ang masagi o ‘di kaya naman ay madikit sa mga alagang baboy sa lalawigan ay posibleng magkaroon sila ng ASF virus.