-- Advertisements --

Ginulantang ngayon ang mundo ng NBA sa napaulat na paglipat ng beteranong point guard na si Tony Parker patungong Charlotte Hornets.

Matagal na kasing bahagi ng San Antonio Spurs si Parker na nasa 17 taon na.

Sa 17 seasons sa Spurs ay naging kasama siya sa apat na NBA championships.

Lumutang ang isyu na papayag na raw na si Parker sa negosasyon na pipirma ng dalawang taon na kontrata na nagkakahalaga ng $10 million sa Hornets.

Kung maaalala nitong nakalipas na NBA season ay nabawasan ang playing time ni Parker.

Dahilan para bumaba rin ang kanyang statistical performance bilang average career-lows na 7.7 points lamang sa loob ng 19.5 minutes sa nakaraang season.

Kung mabuo na ang deal makakasama muli niya ang dating Spurs assistant coach na James Borrego, na ngayon ang siyang bagong head coach ng Hornets.

Ang six-time All-Star ay No. 4 all-time scorer sa Spurs history at nangunguna sa career assists ng prangkisa.

Kabahagi rin si Parker sa umaabot na 137 playoff wins sa ilalim ni Spurs coach Gregg Popovich, ang ikalawa sa pinakamarami kung pagbatayan ang coach at player sa NBA history.

Nitong nakaraang mga linggo ay naging tampulan din ang usap-usapan na lilipat na rin ng ibang team ang isa pang Spurs superstar na si Kawhi Leonard.