-- Advertisements --

CEBU CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang ama matapos itong maaresto ng pinagsanib-pwersa ng Labangon Police station at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dakong alas 10 noong Martes Nobyembre 22, 2022 sa UBCA 3, Barangay Quiot, nitong lungsod ng Cebu.

Inaresto si alyas “Filo”, 49 anyos sa bisa ng warrant of arrest.

Ang suspek ay may kasong Statutory Rape Art 266-A na ipinatupad ng Republic Act 11648 na inisyu ng RTC 7 Branch 7, Talisay City, noong Nobyembre 21, 2022 at walang inirerekomendang piyansa.

Ibinunyag pa ng mga otoridad na ang asawa mismo ng akusado ang nagsampa ng kaso matapos umanong halayin ang kanilang 13 taong gulang na anak noong Marso 2022.

Tumakas pa ang suspek sa Talisay City at nagtago sa Barangay Quiot nitong lungsod.

Sa ngayon, nakadetain na ang naaresto at nakatakdang sampahan ng karampatang kaso.

Samantala, pinuri naman ni CCPO Director PCol Ireneo Dalogdog ang mga operatiba sa kanilang walang sawang pagsisikap at ipinag-utos nito na ipagpatuloy ang kanilang kampanya na maikulong ang mga wanted person at maalis ang lahat ng uri ng krimen sa mas mapayapa at progresibong lungsod ng Cebu.