-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hindi umano lubos akalain ni Dr. Aira Cassandra Suguitan Castro na ito ay Top 1 sa katatapos lamang na March 2023 Physician Licensure Examination kung saan nakakuha ng 89%.

Ayon kay Dr. Castro, hindi umano nito inasahaan na makakasama siya sa listahan ng mga Topnotchers at lalong hindi niya naisip nung una na siya ang magiging Top 1.

Sinabi nito na isa sa mga nag-udyok sa kanya na kumuha ng medisina ay dahil marami sa miyembro ng pamilya nito ang may sakit kung saan labas-pasok sila noon sa ospital kabilang na si Dr. Aira at nakita kung paano magtrabaho ang mga doctor na naging isa sa mga inspirasyon nito.

Maliban pa dito, sinabi nito na sa isa nilang subject kung saan may na-assign sa kanyang pamilya ay naantig ito sa sakripisyo ng isang ama na tumataguyod para sa kanyang pamilya kahit ito ay cancer patient.

Nakita rin umano nito ang pangangailangan ng mga residente sa pinuntahan nilang lugar partikular sa Barangay Gaang sa bayan ng Currimao sa access ng healthcare.

Nabatid na ang first choice umano ni Dr. Castro na kurso ay ang BS-Administration at BS-Accountancy ngunit may isang professor ang nagsabi sa kanya na maganda ang programa ng Biology at dito na nag-umpisa.

Lubos ang kaligayahan nito at ang kanyang buong pamilya sa malaking tagumpay.

Ipinangako rin ni Dr. Castro na sa Pilipinas ito magtatrabaho at magsisilbi sa mga Pilipino at hindi lalabas ng bansa.

Si Dr. Castro ay unang nagtapos bilang Summa Cum Laude sa kursong BS-Biology noong 2017 at Cum Laude at class valedictorian sa batch nito sa College of Medicine sa Mariano Marcos State University sa lungsod ng Batac noong 2021.

Samantala, ito na ang ikapitong magkakasunod na taon na nakakuha ng 100 percent passing rate ang nasabing unibersidad.