-- Advertisements --

CEBU – Parang nasa ulap at hindi pa rin makapaniwala ang Top 1 sa Physical Therapist Licensure Examination sa kanyang nakamit na tagumpay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Edzelle Mhay Benitez Naquila, sinabi nito na apat na buwan itong naghahanda para sa nasabing exam kung saan magkahalong pagod at kaba ang kanyang nararamdaman.

Aniya, tanging tiwala sa kanyang sarili at pagdarasal ang kanyang sandata para pumasa sa licensure examination.

Dagdag pa nito, pag-kontrol rin sa kanyang emosyon ang kanyang ginawa dahil diumano’y madali lang itong panghinaan ng loob lalong-lalo na noong panahon ng kanyang pag-review.

Inihayag rin ni Naquila na gusto talaga nitong maging clinical psychologist ngunit nakapasa ito sa full scholarship ng Physical Therapy sa Southwestern University kaya naman ay hindi ito nag-aksaya sa nasabing oportunidad.

Inamin rin nito na pangarap niya ang mag-trabaho abroad ngunit dahil sa isa itong scholar kaya kailangan pa nitong magsagawa ng dalawang taon na ‘return of service’ sa Southwestern University.