ILOILO CITY – Labis ang pasasalamat ng Ilonggo na nag-top 1 sa October 2022 Physician Licensure Examination.
Ito ay si Justin Adriel Zent Gautier Togonon, tubong Jaro, Iloilo City at nakakuha ng highest rating na 89% at nanguna sa 3,826 na kumuha ng pagsusulit.
Noon pa man achiever na si Togonon kung saan hinirang na isa sa mga Outstanding Elementary Pupils of Iloilo noong 2011 at class valedictorian ng Philippines Science High School System – Western Visayas Campus.
Nagtapos siya bilang magna cum laude sa Integrated Liberal Arts in Medicine (INTARMED) program sa
University of the Philippines Manila kung saan dalawang taon lang ang kanyang pre-med at nag-aral ng medisina sa pamamagitan ng seven-year curriculum.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Togonon, sinabi nito na noon pa man pangarap na niya na maging pinakaunang doktor sa kanilang pamilya.
Ayon kay Togonon, nais niya na mag-specialize at maging isang neurosurgeon.
Matapos ang kanyang oath taking, planong nitong bumalik sa Iloilo City upang simulan ang kanyang panggagamot sa mga kapwa Ilonggo.