Hindi na raw iaanunsiyo ng Supreme Court (SC) ang pangalan ng Top 10 passers ng 2020-2021 Bar Examinations.
Ito ang isa sa mga reporma ng SC sa pamamagitan ng chairperson ng 2020-2021 Bar exams na si Associate Justice Marvic Leonen.
Pero ayon kay Leonen, kikilalanin pa rin naman nila ang mga bar takers na nagpakita ng magandang performance.
Agad namang dumipensa ang associate justice sa naturang reporma at sinabing hindi naman daw race o competition ang bar examination.
Hindi rin umano ito basehan kung sino sa mga examinees ang magiging best qualified sa kanilang batch, mas magaling na abogado at mas relevant practitioner o ang mas compassionate individual.
Kung maalala hindi natuloy ang bar exam noong nakaraang taon dahil na rin sa pandemic na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, napagkasunduan ng mga mahistrado ng Korte Suprema na magsagawa na lamang ng regionalization ng 2020/21 Bar Examinations ngayong taon partikular sa apat na linggo sa buwan ng Nobyembre.
Layunin ng regionalization ng Bar Exam na mapababa ang travel at accommodation expenses ng mga lalahok sa pagsusulit na karaniwang isinasagawa sa Manila at bilang pagsunod na rin sa public health guidelines.
Mayroon nang 24 local testing centers sa buong bansa mula Luzon hanggang Mindanao na mayroong 15,013 slots.
Kaya naman pinaalalahanan na ni Leonen ang lahat ng mga bar hopefuls na piliin na ang mga local testing centers na malapit sa kanilang lugar lalo na ngayong nasa gitna pa rin ng covid pandemic ang bansa.
Sa ngayon, apat na local testing centers pa sa Luzon ang ikinokonsidera ng Korte Suprema kabilang na ang tatlong paaralan sa Metro Manila at isa naman sa Central Luzon.
Kapag naaprubahan ang mga ito ay agad umanong iaanunsiyo ng kataas-taasang hukuman sa pamamagitan ng kanilang bar bulletin.
Sa kabilang dako, ang bawat bar applicant ay mamimili ng kanilang local testing center sa pamamagitan ng Bar PLUS (Personal Login Unified System).
Pero paalala ng SC, para maging inclusive sa mga bar examinees ang Bar Examinations, hindi raw nila papayagan ang first-come, first-served basis para sa venue-matching sa halip ay ipaprayoridad nila ang mga nasa remote areas o malalayong lugar.
Saka din lamang umano makakapili ang mga aplikante ng kanilang local testing centers kapag inaprubahan na ng SC En Banc ang kanilang aplikasyon.