Nakakatanggap pa rin umano ng mga offer si Rabiya Mateo sa kabila ng kabiguan nito na masungkit ang Miss Universe 2020 title para sa Pilipinas.
Pero ayon sa creative director ng Miss Universe Philippines Organization na si Jonas Gaffud, tsaka na nila ito pag-uusapan dahil tatapusin pa ni Rabiya ang kanyang reign bilang unang winner ng hiwalay na Miss Universe Philippines franchise.
Kasabay nito ay aminado si Gaffud na nagkaroon talaga ng epekto ang social media sa Top 21 finish ni Rabiya, kaya naman sa susunod ay papayuhan nila ang bagong magiging Miss Universe Philippines na matutong maghinay-hinay lalo sa mga online bashers.
“Lesson, will have to really teach the girl na huwag masyado mag-social media,” natatawang sambit nito sa pep.
Nabatid na madalas mag-live sa kanyang Instagram si Rabiya, tulad noong nalungkot ito sa kanyang national costume performance dahil hindi kompleto ang nairampa sa Miss Universe stage.
Sa naturang live video ay naging emosyonal si Mateo, bagay na umani ng simpatya ang ilang pang-aalaska.
Sa ngayon ay sinusulit ng 24-year-old half Indian beauty ang “me time” sa pamamasyal sa Los Angeles, at posibleng sa Hulyo pa uuwi sa bansa partikular sa kanyang hometown sa Iloilo.