Oras para sa sarili ang pahiwatig ni Rabiya Mateo na kanyang gustong gawin, dalawang araw matapos ang kabiguang masungkit ang pang-limang Miss Universe crown para sa Pilipinas.
Ito’y kasunod din ng tila pagbawi nito sa pagkain kung saan nilantakan na nito ang pancit, barbecue, fried chicken, kanin at chicharon with laman sa isang Filipino resturant sa bahagi ng Miami Beach.
Ngayon naman, kalakip ng larawan ng kanyang passport ang caption na mag-isa siyang papasyal sa Estados Unidos.
Hindi naman nito nabanggit kung kasama na ng kanyang solo time ang dating nabanggit na target niyang makita ang Indian na ama kahit walang ideya kung buhay pa ba ito pero sa huling pagkakaalam niya ay nagtatrabaho ito bilang doktor sa Chicago.
Panghahawakan ng first ever winner sa hiwalay na franchise ng Miss Universe Philippines, ang pangalan at birthday ng kanyang ama sa paghahanap dito.
At bagama’t curious kung alam man lang ba ng kanyang ama ang kanyang pagiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe, hindi nagtanim ng sama ng loob si Rabiya dahil puro mabubuting bagay ang paglalarawan dito ng kanyang ina.
Nabatid na ang kanyang ama ang nagbigay ng pangalang Rabiya na ang ibig sabihin ay queen o princess.
Kung maaalala, maging ang naging huling pambato ng bansa na si Gazini Ganados ay natagpuan ang ama sa kasagsagan lang din ng kanyang Miss Universe journey.
Ang ama ni Ganados ay isang Palestinian.