BOMBO LAOAG – Top 4 ng October 2023 Fisheries Professional Licensure Examination, muntik nang hindi tumuloy sa eksaminasyon
LAOAG CITY – Magkahalong emosyon ang nararamdam ngayon ni Ms. Julia Katrina Palaad Bonotan matapos maging Top 4 sa October 2023 Fisheries Professional Licensure Examination.
Ayon kay Bonotan, hindi parin makapaniwala na hindi lamang niya naipasa kundi naging Top 4 pa dahil mahirap umano ang tanong sa eksaminasyon.
Inihayag pa nito na nagulat na napabilang sa Top 10 dahil ang kanyang panalangin na lamang umano noon ay pumasa lamang ay ayos na ito sa kanya.
Sinabi nito na muntik na niyang hindi ituloy ang pag-exam dahil sa pressure lalo’t ito ang Salutatorian ng MMSU Class of 2023 at takot na baka hindi pumasa.
Ganunpaman, itinuloy niya ang board examination dahil na rin sa mga taong nakapaligid sa kanya na naniniwala sa kanyang kakayahan at sumusoporta sa kanya.
Nagpasalamat rin ito sa sa kanyang pamilya, kaibigan at mga naging guro dahil ito ang kanyang mga naging inspirasyon simula nag-aral, nagreview hanggang sa pumasa at naging Top 4.
Dagdag nito na bago ang eksaminasyon ay nanalangin na ang Diyos na ang bahala sa resulta basta gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya.
Samantala, tuwang-tuwa naman si Prof. Ernesto del Rosario ang dean ng College of Aquatic Sciences and Applied Technology (CASAT) sa Mariano Marcos State University sa naging tagumpay ni Bonotan na hindi lamang basta pumasa kundi naging topnochers.
Nabatid na ito na ang ikatlong pagkakataon na mayroong naging topnochers mula sa kanilang College dahil noong 2014 ay may nag-Top 1 at Top 8 naman noong 2020.