CEBU – Abot hanggang langit ang kaligayahan ng isang topnatcher ng 2023 Certified Public Accountant Licensure Examination matapos itong nag-Top 6 sa nasabing pasulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Jenzel John Montero Longno, sinabi nito na hindi niya inaasahan na maging topnatcher dahil para sa kanya hindi maganda ang kanyang performance sa nasabing eksaminasyon at tanging pagpasa lang ang kanyang pangarap.
Ayon kay Longno, masaya ito sa kanyang tagumpay dahil nasukli-an na nito ang paghihirap at sakripisyo ng kanyang mga magulang lalong-lalo na ang kanyang ama na sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Dubai.
Dagdag pa nito, ang pagiging CPA ay pangarap rin ng kanyang ina kaya masaya siya na nabigyan niya ng katuparan ang minsa’y naging ambisyon ng kanyang ina.
Ibinahagi nito na hindi madali ang kursong Accountancy kaya kinakailangan ang labis na determinasyon at tiyaga upang magtagumpay.
Sa ngayon ay wala pa itong plano maliban na lang sa pagpapahinga at magdiwang sa nakamit na tagumpay kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.