-- Advertisements --

Patay ang itinuturing na notorious Abu Sayyaf commander sa isinagawang operasyon ng mga sundalo sa ilalim ng Task Force Zamboanga (TFZ) sa Barangay Limaong, Zamboanga City.

Kinilala ni Task Force Zamboanga commander Col. Leonaed Nicolas ang napatay na ASG leader na si Abu Nibra na kilalang follower ni Isnilon Hapilon at Abdullah Indanan.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WesMincom) spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, nakatanggap umano ng intelligence report ang militar kaugnay sa presensiya ng mga bandidong grupo kaya kaagad trinabaho ng mga sundalo at kaninang alas-5:00 ng umaga isinagawa ang operasyon.

Habang papalapit umano ang mga tropa pinaulanan sila ng bala kaya dito na nagsimula ang bakbakan.

Tumagal ng 10 minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ng nasabing ASG leader.

Samantala, patay naman ang pitong taong gulang na bata at ina nito nang tamaan ng ligaw na bala.

Ang mga ito ay mag-ina ng ASG leader.

Liban sa mga ito, sugatan din ang tatlong menor de edad na kaagad na dinala sa pagamutan.

Aminado ang militar na hindi nila alam na may mga sibilyan ang nakatira sa lugar kung saan nagkaroon nang engkwentro.

Sa ngayon nasa area pa ang mga sundalo at nagpapatuloy ang isinagawang clearing operations.

Kinumpirma naman ni Besana na ang napatay na Basilan based ASG leader ay nasa ikapito sa listahan ng mga wanted na notorious terrorists.