Minamadali na ng top diplomats at mga heneral sa Middle east ang mga aksiyon para maiwasan ang paglagalab pa ng tensiyon sa rehiyon kasabay ng umano’y paghahanda ng Iran para gumanti ng pag-atake sa Israel.
Kaugnay nito, tinawagan ni US Secretary of State Anthony Blinken si Israeli Defense Minister Yoav Gallant para tiyakin ang hindi natitinag na suporta ng Amerika para sa Israel habang ang mga foreign minister naman ng Iraq, Qatar, United Arab Emirates at Saudi Arabia ay tinawagan na rin ang kanilang counterpart sa Iran para ipaabot ang mensahe mula sa Biden administration na nananawagan sa Iran na magde-escalate.
Sa naging talumpati naman ni US Pres. Joe Biden sa isang joint press conference kasama si Japan PM Fumio Kishida sa White House, sinabi ni Biden na ang commitment ng Amerika sa seguridad ng Israel laban sa mga banta mula sa Iran at proxies nito ay ironclad at gagawin nila ang lahat para protektahan ang seguridad ng Israel.
Bagamat nagbabala si Biden sa Iran na maaaring makaharap nito hindi lamang ang Israeli army kundi maging ang American military, sinusubukan naman ng kaniyang administration na mapigilan ang full-blown regional war.
Una rito, ang tensiyon nga sa pagitan ng Iran at Israel ay muling nabuhay kasunod ng inilunsad na airstrike ng Israel sa konsulada ng Iran sa Damascus noong Abril 1 na kumitil sa 13 katao kabilang ang 2 top revolutionary Guards commanders ng Iran dahilan para magbanta ito na gaganti ng pag-atake sa Israel.
Nagsimula ang indirect conflict sa pagitan ng Israel at Iran noong Oktubre 7 ng nakalipas na taon nang maglunsad ng pag-atake ang Israel sa Islamic Revolutionary Guard Corps- affiliated targets sa Syria at sa makapangyarihang kaalyado ng Iran na Hezbollah sa may border ng Lebanon at Israel.