Sinuspinde ni Ombudsman Samuel Martirez sa loob ng anim na buwan ang kabuuang 13 opisyal ng PhilHealth.
Hindi kasama sa mga sinuspinde si PhilHealth president and CEO Ricardo Morales.
Ito ay kahit pa itinuturo ni dating PhilHealth anti-fraud officer Thorrsson Montes Keith si Morales bilang “coddler” ng mga sindikato sa state health insurer dahil sa pagpayag daw nito sa implementasyon ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) o “emergency cash advance” sa mga medical facilities sa gitna ng mga “fortuitous events.”
Kabilang sa mga matataas na opisyal ng PhilHealth na sinuspinde ni Martirez ay sina: Dennis Mas, Senior Vice President (SVP) for Management Services Sector; Israel Pargas, SVP for health finance and policy sector; Shirley Domingo, Vice President for Corporate Affairs Group at Rodolfo Del Rosario, legal sector chief.
Sa isang kautusan, sinabi ni Martirez na anim na buwang suspendido na walang sahod sina: Roy Ferrer, Celestina Ma Jude dela Serna, Ruben John Basa, Dennis Mas, Shirley Domingo, Rodolfo Del Rosario, Raul Dominic Badilla, Israel Pargas, Angelito Grande, Lawrence Mijares at Leila Tuazon.
Sa hiwalay namang kautusan, anim na buwan ding suspendido sina: Roy Ferrer, Ruben John Basa, Clementine Bautista, Angelito Grande at Eugenio Donatos II.
Hindi naman malinaw sa ngayon kung simultaneous na pagsisilbihan nina Ferrer, Basa, at Grande ang kanilang dalawang anim na buwan na suspensions.