-- Advertisements --

Sa unang pagkakataon ngayong season ay nagawa ng top NBA team na Cleveland Cavaliers na talunin ang karibal na Atlanta Hawks, tangan ang 22 points na kalamangan, 137 – 115.

Maalalang sa huling back-to-back games sa pagitan ng dalawa ay magkasunod na tinalo ng Hawks ang Cavs na sinundan ng isa pang pagkatalo, daan upang duminahin ng Hawks ang matchup sa pagitan ng dalawang koponan.

Muling pinangunahan ng dalawang guard na sina Donovan Mitchell at Darius garland ang opensa ng Cavs: gumawa ng 24 si Mitchell habang 26 naman ang ambag ni Garland.

Sa depensa ng koponan, bantay-sarado ito sa rebounding kung saan kumamada si Jarrett Allen ng 15 rebounds habang sampu naman ang inagaw ng forward na si Evan Mobley.

Sa kabuuan ay kumamada ang Cavs ng 49 rebounds habang 36 lamang ang nakuha ng Hawks.

Hindi naisalba ni Trae Young ang kaniyang koponan upang dalhin sana ang ika-apat na panalo ng Atlanta laban sa Cavs ngayong season matapos siyang malimitahan sa 15 points lamang.

Naging solido naman ang opensang ipinakita ni Atlanta forward Zaccharie Risacher na kumamada ng 30 points.

Maliban sa magandang rebounding ng Cavs, dinumina rin nito ang paint area at sa kabuuan ng laban ay gumawa ang koponan ng 66 points sa ilalim nito, kontra sa 54 na naging kasagutan ng Hawks.

Hawak na ng Cavs ang 39 – 9 na kartada at kasalukuyang No. 1 sa buong NBA ngayong season. Bumagsak naman sa 22 – 26 ang Hawks kasunod ng pagkatalo.