-- Advertisements --

Sa unang pagkakataon ay tinambakan ng isang team ang top team sa NBA na Cleveland Cavaliers matapos itong patumbahin ng Indiana Pacers, 108 – 93.

Ito ang unang pagkakataon na dumanas ng 15 points na pagkatalo ang Cavs ngayong season habang ito pa lamang ang ikalimang pagkatalong nalalasap nito sa loob ng 38 games.

Sa naging bakbakan ng Pacers at Cavs, nagawa ng Indiana na kontrolin ang Cavs sa 2nd half at limitahan ito sa 18 points sa 3rd quarter at 22 points sa 4th quarter.

Sa pagtatapos kasi ng 1st half ay hawak ng Cavs ang 13-point lead.

Gayunpaman, binura ito ng Pacers sa 3rd quarter at ibinulsa pa ang 4-pt. lead.

Pinilit ng Cavs na bumangon sa 4th quarter ngunit lalo lamang lumaki ang lead ng Pacers kung saan 4 mins. at 30 secs. bago matapos ang huling quarter ay hawak na nito ang 18-pt. lead, 98 – 80, sa tulong ng sunud-sunod na shots ni Pascal Siakam.

Hindi na nakabawi pa ang Cavs at tuluyang natapos ang laban, 108 – 93 pabor sa Pacers.

Bagamat walang player ng Pacers ang nagbulsa ng 20 points o higit pa, nagawa ng anim na player nito na magpasok ng tig-double-digit score sa pangunguna ni Pascal Siakam na nagpasok ng 18 points at siyam na rebounds habang 15 points at sampung rebound naman ang ambag ng bigman na si Myles Turner.

Hindi rin naging balakid sa Pacers ang dalawang puntos, isang rebound, at limang assists na nairehistro ng star player nitong si Tyrese Haliburton.

Sa pagkatalo ng Cavs, mistulang minalas ang dalawa nitong starting guard na sina Donovan Mitchell at Darius Garland.

Tanging pito lamang mula sa 17 shots kasi ni Mitchell ang pumasok, habang 7 shots lamang ang naipasok ni Garland mula sa 16 na pinakawalan.

Pawang negative ang nairehistro ng first-5 ng Cavs, hindi tulad sa mga nakalipas na laro ng mga ito.

Maaalalang sa apat na naunang pagkatalo ng Cavs ay hindi nalalayo ang score nito sa mga winning team: kinabibilangan ito ng Boston Celtics, 122 – 108 ; Miami Heat, 122 – 113, at ang back-to-back loss sa Atlanta hawks, 135 – 124 at 117 – 101.