DIPOLOG CITY – Napatay ng mga kasapi ng 44th Infantry Battalion, Philippine Army ang isang lider ng New People’s Army (NPA) matapos ang nangyaring sagupaan sa Purok 2, Brgy. ZNAC, Tampilisan, Zamboanga del Norte.
Kinilala ang napatay na si Leonardo Nabong, alyas Otik/Berto/Bonie, kasalukuyang 1st deputy secretary ng Western Mindanao Regional Party Committee.
Sa report ng Western Mindanao Command, umabot sa 45 minuto ang nangyaring sagupaan laban sa nasa 10 armadong indibidwal ng Guerilla Front Flex A ng WMRPC bago umatras ang grupo.
Napag-alaman na si Nabong ay miyembro rin ng Executive Committee ng Komisyon Mindanao (KOMMID) na may existing warrants of arrest sa kasong multiple murder, quadruple frustrated murder, damage to government property at rebellion na inilabas ng Regional Trial Court 10th Judicial Region Branch 36 sa Calamba, Misamis Occidental at may nakalaang pabuya na P6.1-milyon.
Narekober naman ng tropa ng gobyerno ang ilang mga war materials katulad ng M14 rifle, apat na M16A1 Elisco, isang M203 Grenade Launcher, 10 magazines ng M16 rifle,at anim na rounds ng bala ng 40mm.