VIGAN CITY – Maikli ngunit makabuluhan ang payo ng lolo ni Ens. Dionne Mae Umalla, na siyang topnotcher ng Philippine Military Academy (PMA) “Mabalasik” Class of 2019, sa kanya sa pagbabalik nito sa Alilem, Ilocos Sur nitong Huwebes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Ngacio na dating municipal agriculture officer ng nasabing bayan, kailangang laging isipin ni Umalla ang lahat ng mga natutunan nito sa loob ng PMA sa pagpasok nito sa Philippine Navy.
Naniniwala ito na malayo pa ang mararating ng dalaga ngunit sinabi nito na sana ay huwag itong gumaya sa iba na pumasok at graduate sa PMA ngunit paglabas nila ay tila hindi na nila isinasabuhay ang kanilang mga natutunan sa loob ng ilang taon sa akademiya.
Aniya, nais nitong huwag gayahin ng kaniyang apo si Sen. Antonio Trillanes na ngayon ay nahaharap sa iba’t ibang kaso at kontrobersiya.
Partikular na sinabi pa nito na kung maaari ay manatiling mapagpakumbaba ang kaniyang apo at huwag lumaki ang kaniyang ulo kapag may mga parangal na natatanggap dahil sa kaniyang magandang performance.
Idinagdag nito na maliban sa nasabing senador ay huwag din sanang gumaya ang kaniyang apo sa iba pang PMA graduates na tila hindi na naayon sa mga natutunan nila sa akademiya ang kanilang mga ginagawa dahil sa mga isyung kinasasangkutan nila, lalo na sa korapsyon.