-- Advertisements --
anthony davis lebron james Lakers
Lakers power duo LeBron and AD (photo @Lakers)

Muling dinala ni LeBron James sa kanyang all-around performance ang Los Angeles Lakers para masilat ang NBA top team na Milwaukee Bucks, 113-103.

Kumamada si James ng 37 big points, eight rebounds at seven assists upang makaganti sa rematch nila sa Bucks (53-10).

Namayani ng husto si LeBron sa third quarter nang magbuslo ng 14 upang pigilan ang pagtatangka ng Bucks.

Malaking tulong din ang nagawa ni Anthony Davis na nagpakitang gilas din sa 4th quarter nang ipasok ang 14 points sa fourth quarter mula sa kanyang kabuuang 30 points.

Ang ika-10 panalo ng Lakers mula sa huling 11 laro ay nag-angat sa team para sa 48-13 record ngayong season.

Naging makapigil hininga rin ang ilang beses na match-up ng NBA MVP na si Giannis at si James.

Pero ang mga Lakers fans hinarana si James ng M-V-P chant na siyang nangunguna ngayon sa liga sa best record sa assists.

Naitala naman ni LeBron ang panibagong milestone sa career niya nang maabot ang ika-34,000th points upang mahanay siya sa dalawang basketball legends na sina Kareem Abdul-Jabar at Karl Malone.

Nang makapanayam si James sinabi nito na misyon niya upang ibalik ang kinang ng Lakers dahil mas lalo itong ikabubuti ng liga.

“I came here to put this franchise back where it needed to be,” ani James.

Samantala, bagamat inalat sa unang bahagi ng laro si Giannis bumawi naman ito sa fourth quarter nang iposte ang 12 mula sa 32 points.

Nagpakita rin siya ng 12 rebounds kung saan nasayang lamang dahil dalawang sunod na talo na ang nalasap ng koponan sa huling tatlong laro.

Ang next game ng Bucks ay sa Lunes laban sa Suns.

Haharapin naman ng Lakers ang karibal na Clippers.