-- Advertisements --
Christopher Bong Go
Bong Go/ FB image

Kinumpirma ni Senator-elect Bong Go na pinagsusumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ng courtesy resignation ang mga presidente at iba pang board members ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Kaugnay ito sa “ghost” dialysis payment claims ng WellMed Dialysis Center na umaabot sa nasa P150-bilyon.

Sinabi ni Go sa press briefing, isyu ng command responsibility ang basehan ni Pangulong Duterte dahil pinabayaan ng PhilHealth officials na makalusot ang nasabing anomalya.

Ayon kay Go, kung hindi magsusumite ng courtesy resignation letter ay sisibakin ni Pangulong Duterte ang PhilHealth board members.

Nilinaw din ni Go na maliban sa mga miyembro ng board, babalasahin din Pangulong Duterte ang mga regional vice presidents (RVPs) dahil sa level nila nakalusot ang “ghost” claims ng pagamutan.

Sinabi din ni Go na sakaling mapunta sa kanya ang senate committee on health ay agad siyang magpapatawag ng imbestigasyon upang matuldukan na ang katiwalian sa Philhealth at mapanagot ang gumagawa nito at nag-aaksaya ng pera ng taumbayan.