-- Advertisements --

Nagpahayag ng bagong babala ang top US diplomat na si US Secretary of State Antony Blinken na lulusubin ng Russia ang Ukraine anumang oras bago pa man matapos ang Winter Olympics sa Beijing kasunod ng nakakabahalang pagdami raw ng mga sundalo ng Russia sa may border ng Ukraine.

Ginawa ni Blinken ang naturang pahayag matapos na himukin ni US President Joe Biden ang mamamayan nito na agad na lisanin ang Ukraine.

Sa natanggap na bagong intelligence assessment aniya ng US at mga kaalyadong bansa nito, ipinapakita nito na aatake ang Russia sa Ukraine bago matapos ang Olympics.

Bago pa man magsimula ang Olympics, nauna ng sinabi ni Deputy Secretary of State Wendy Sherman na maaaring maimpluwensiyahan ng China na siyang host ng Winter Olympics kung saan dumalo si Russian President Vladimir Putin sa timing ng posibilidad ng invasion ng Russia sa Ukraine.

Ayon kay Blinken, patuloy naman ang paghahanda ng Amerika sa pag-aareglo sa nakatakdang pagpupulong sa pagitan ng Russia at Amerika ni Putin at Biden ngayong araw.

Samantala, maliban sa Amerika ilang host countries na rin ang hinimok ang kanilang mamamayan na lisanin ang Ukraine kabilang ang UK, Canada, the Netherlands, Latvia, Japan at South Korea.