CAUAYAN CITY- Ibinahagi ng topnotcher PMA Class 2020 ang kanyang naging karanasan nang makapasok siya sa Philippine Military Academy o PMA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 2nd Lt. Gemalyn Sugui, inamin niyang nahirapan siyang mag-adjust noong una dahil mula sa pagiging sibilyan at pagiging military ay malaking pagbabago ito sa kanyang buhay.
Aniya, noon ay hawak niya ang kanyang oras at sarili niyang desisyon ang nasusunod subalit pagpasok niya sa akademya ay wala silang ibang gawin kung hindi ang mga iniuutos sa kanila ng kanilang mga nakakataas.
Sinabi pa nito na noong nasa kolehiyo na lamang siya na napagtanto niyang gusto niyang pumasok sa PMA kaya sinubukan niyang pumasok pero dahil hindi naaakma sa kanyang schedule ay hindi siya natuloy.
Ayon kay 2nd Lt. Sugui, malaki ang naitulong ng akademya para mabago ang kanyang buhay dahil bukod sa naturuan siya tungkol sa time management ay nadevelop din ang kanyang karakter.
Malaki rin ang naitulong ng leadership kung paano niya hawakan ang kanyang mga tauhan.
Idinagdag pa nito na PMA din ang nagturo sa kanya na kailangan niyang isaalang alang ang suhestyon ng kanyang mga tao sa kanyang pagdedesisyon.
Aniya, ang hindi niya makakalimutan na pangaral sa kanila sa akademya ay ang mga katagang “Live one day at a time”.