DAVAO CITY – Inaabangan na ngayon ng mga Dabawenyo ang pinakahihintay na Torotot Festival sa Davao City kasabay ng pagsalubong sa bagong taon.
Sa ngayon all set na ang venue na pagdadarausan ng nasabing aktibidad sa Rizal Park sa lungsod.
Ang Torotot festival ang taunang ginagawa sa Davao bilang alternatibong paraan ng pag-iingay upang salubungin ang bagong taon gamit ang mga torotot imbes na mga firecrackers o paputok upang maiwasan ang mga firecracker related injuries sa lungsod.
Sa nasabing aktibidad, ibinunyag ni Ben Sur, manager ng isang pribadong kompaniya na nasa 49 na mga registered participants ang lalahok sa tatlong kompetisyon na kinabibilangan ng Giant Torotot, Torotot Costume at Torotot Dance Contest.
Sinabi rin ni Davao City Tourism Officer Gene Rose Tecson na hindi lamang nakatuon ang nasabing aktibidad sa pagkuha ng world record dahil ang pinakadiwa nito ay ang alternatibong pagdiriwang ng bagong taon ng mga Dabawenyo na naaayon sa kampanya ng syudad laban sa paputok.
Plantsado na rin ang lahat ng mga security measures upang masiguro na ligtas na maisagawa ang aktibidad mamayang hating gabi.
Ang Torotot festival ang isa ring maisip na pagsuporta sa ordinansa ng lungsod kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta at paggamit ng paputok.
Dahil dito, ipinagmamalaki ng lungsod ng Davao na napanitili nito ang “zero firecracker-related injuries” dahil na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng nasabing ordinansa.