LEGAZPI CITY-Umakyat na sa lima ang total death toll sa rehiyong Bicol matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Base sa tala ng Office of Civil Defense Bicol, apat sa mga namatay ay mula sa Camarines Norte habang isa naman ay mula sa Camarines Sur.
Pinangangambahan naman na madagdagan pa ito dahil apat pang mga residente mula pa rin sa Camarines Norte ang naireport na nawawala at pinaghahanap ng mga rescue teams.
Samantala, pagdating naman sa pinsala sa mga paaralan kinumpirma ni DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad na nasa P6.9 milyon na ang inisyal na damage na dulot ng bagyo sa mga paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sadsad, nasa 1,805 na mga klasrum umano ang tottaly damage, 4,546 ang may major damage at 5,916 naman ang bahagyang napinsala.
Kinumpirma naman ng opisyal na nakikipag-ugnayan na si Education Secretary Leonor Briones sa Department of Budget and Management (DBM) upang makahingi ng pondo para sa pagpapaayos sa mga nasirang klasrum.