-- Advertisements --
image 251

Nananawagan si House Committee on Foreign Affairs chairman at Pangasinan 3rd district Rep. Rachel Arenas para sa total deployment ban ng overseas Filipino workers sa Kuwait.

Ito ay kasunod ng desisyon ng Kuwaiti government kamakailan na suspensyon ng issuance ng new visa entry ng mga Pilipino na inilarawan ng mambabatas bilang isang act of retribution o paghihiganti.

Nag-ugat ang naturang hakbang ng Kuwait bilang ganti umano sa ipinatupad na deployment ban ng Pilipinas sa mga first time kasambahay patungong Kuwait matapos ang karumal dumal na pagpatay sa Pinay worker na si Jullebee Ranara na napaulat na ginahasa, pinatay, sinunog at itinapon sa isang disyerto kung saan ang suspek ay ang mismong anak ng kaniyang amo.

Bunsod nito, pinaalalahanan din ng mambabatas na isa rin sa aktibong tumutulong sa mga OFW na naabuso, ang Kuwaiti government na ang puno’t dulo ng pagppatupad ng deployment ban ng mga Pinoy sa Kuwait ay nag-ugat sa mga nakalipas na insidente ng pagmamaltrato sa mga OFW lalo na sa mga kasambahay.

Nangyayari lamang aniya ito sa Kuwait at tila walang ngipin sa pagpapatupad ng kanilang batas ang Kuwaiti government.

Kayat marapat lamang aniya na mapunta ang mga kababayan nating mga Pilipino sa mga bansang mayroong malasakit, itatrato sila ng may dignidad at kayang protektahan ang kanilang mga karapatan at kapakanan.