-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hinihiling ng ilang overseas Filipino workers (OFW) sa pamahalaan na magpatupad ng total deployment ban sa bansang Kuwait dahil patuloy pa rin daw ang pagpatay at pagmamaltrato ng mga among Kuwaiti sa mga Pinoy workers doon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Anadelia, isang OFW sa Kuwait at tubong Echague, Isabela na kaawa-awa umano ang kalagayan ng mga manggagawa sa nasabing bansa dahil sa patuloy pa rin ang pang-aabuso ng mga among Kuwaiti.

Kailangan na aniyang gumawa ng paraan ang ating gobyerno upang hindi na magtungo sa Kuwait ang kapwa nila pinay na nais ding mangibang bansa.

Inamin din ni Anadelia na bagama’t hindi naman siya nakakaranas ng pagmamaltrato ay hawak umano ng kanyang employer ang kanyang passport.

Marami umanong Pinoy ang nahihikayat na magtungo sa Kuwait at Saudi Arabia dahil maliit lamang ang magagastos kumpara sa ibang mga bansa na malaki ang gastos.