-- Advertisements --

Nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na umiiral na ang total deployment ban sa mga overseas Filipino workers (OFW) patungong Ukraine.

Ito ay kasunod na rin ng hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ilagay sa Alert Level 4 ang naturang bansa dahil sa paglala pa ng sitwasyon dulot ng giyera na napakadelikado na sa kalagayan ng mga Pinoy doon.

Ayon kay Bello, wala ng makakapunta na direct hire patungong Ukraine liban na lamang kung manggagaling sa ibang bansa.

Inihalimbawa nito ang isang overseas worker na magmumula sa Hong Kong at tutungo ng Ukraine ay wala namang magagawa ang pamahalaan.

Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tuloy-tuloy ang forced repatriation sa mga OFW na magmumula sa Ukraine.

Sa ulat ng DFA, kabuuang 159 na ang mga nailikas ng mga Pinoy palabas ng Ukraine habang nasa 150 sa mga ito ang nakabalik na ng Pilipinas mula ng lusubin ng Russia ang Ukraine.

Kabilang naman sa huling dumating kagabi ay ang mag-ina at mga Pinoy seafarers ng MV star Helena na inilikas at dumaan muna sa bansang Moldova.