-- Advertisements --
Tripoli, Libya (photo from Wikipedia)

Pansamantalang hindi papahintulutan ng Department of Labor and Employement (DOLE) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na magtungo papuntang Tripoli, Libya.

Ito ay matapos na ideklara ng DOLE ang total deployment ban sa naturang lugar dahil sa patuloy na gulo doon.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, pansamantalang hindi papahintulutan ang mga Pilipinong manggagawa na tumungo sa Tripoli gayundin sa mga lugar na sakop ng 100 kilometer radius mula sa naturang lungsod.

Ipinatupad ng DOLE ang total deployment ban matapos na magdesisyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) na itaas sa Alert Level 3 ang advisory sa mga Pilipinong manggagawa sa Tripoli.

Sinabi ng kalihim na hinihintay din nila kung itataas pa ng DFA sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa naturang lungsod para kaagad na magdeklara naman ng forced evacuation at repatriation sa mga OFWs.

Batay sa datos ng DOLE aabot sa 3,500 ang bilang ng mga Pilipinong manggagawa sa Libya.

Pinakamarami sa mga ito ang nasa linya ng healthcare o ‘yaong mga nurse. (With reports from Bombo Christian Yosores)