-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ipinatupad na ang total lockdown sa buong Aklan matapos makapagtala ng tatlong positibong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, wala nang makakalabas at makakapasok sa lalawigan.

Nangangahulugan aniya na bawal nang bumiyahe ang lahat ng pampublikong sasakyan.

Mga pribadong sasakyan lang na ang driver ay may dalang quarantine pass o mga kaukulang dokumento ang papayagang magtungo sa mga bukas na establishment sa bayan ng Kalibo.

Kabilang dito ang palengke, botika, grocery store, ospital, mga kainan at iba pa.

Habang pinapayagan pa rin na makapasok sa bayan ng Kalibo ang mga empleyadong pinagtatrabaho pa rin basta may maipakitang company ID.

Pinapayuhan naman ang mga residente na sakaling magkaroon ng emergency, sa barangay na makipag-ugnayan ang mga ito.

Samantala, obligado ang bawat bayan at barangay na magtayo ng kani-kanilang border control upang mapatupad ang strict home quarantine.

Kasabay nito ay umapela ng kooperasyon sa publiko si Governor Miraflores upang hindi na dumami pa ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.