-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ipinag-utos ng Provincial Inter Agency Task Force on emerging infectious disease sa Municipal Health Office ng bayan ng Libacao, Malay at Kalibo sa Aklan, ang agarang pagsasagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng tatlong nagpositibo sa 2019 Coronavirus Disease o COVID-19.

Ayon kay Provincial Health Officer II Dr. Cornelio Cuatchon, kailangang mahanap agad ang mga nakasalamuha ng tatlo upang makuhaan ang mga ito ng specimen sample at maisailalim sa 14 days quarantine period.

Una rito, sabay na lumabas ang confirmatory result ng tatlong pasyente mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Ang unang kaso ay 81-anyos na lalaki mula sa Libacao na nagpakita ng sintomas ng COVID-19 at nasa strict home quarantine sa ngayon.

Sumunod dito ang 37-anyos na lalaki mula naman sa bayan ng Malay na siyang may hurisdiksyon sa Boracay na isinailalim din sa strict quarantine sa isang hotel sa Kalibo na pagmamay-ari ng gobyerno.

Habang ang ikatlong kaso ay 68-anyos na lalaki na kahit nasa stable condition ay kasalukuyang naka-admit sa provincial hospital sa bayan ng Kalibo.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng provincial government ng Aklan ang rekomendasyon ng Provincial Health Office na isailalim sa total lockdown ang buong lalawigan upang hindi na kumalat pa ang nakakamatay na virus.