-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Pinabulaanan ng lokal na pamahalaan ng Malay na magpapatupad ng total lockdown sa isla ng Boracay gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Subalit, kinokonsidera umano nila sakaling hindi bumaba ang bilang ng kaso ng deadly virus.

Sa isinagawang virtual press conference, sinabi ni Malay Mayor Frolibar Bautista, patuloy ang operasyon ng mga hotels at resorts sa isla dahil mayroon namang negative RT-PCR tests ang mga turistang pumapasok.

Binibigyan umano ang mga ito ng hotel management ng Q-pass sa Barangay upang malayang makagala sa isla.

Kaugnay nito, nanawagan na ng tulong pinansiyal ang LGU-Malay sa provincial government at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil paubos na ang kanilang pondo para sa Covid 19 response.

Kasalukuyang naka-Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang buong Barangay Balabag at naka-surgical lockdown ang Purok 1 at 7 ng Barangay Manocmanoc hanggang Abril 14.

Nabatid na noong Marso 10, isang turista mula sa Maynila ang naki-party sa isla at nakabalik na ito sa Maynila nang malamang positibo sa COVID-19.

Samantala, iniimbestigahan na ng Malay Police Station ang mga bars na lumabag sa health protocols.