LAOAG CITY – Hinihintay ngayon ng buong lalawigan ng Ilocos Norte ang desisyon ni Gov. Matthew Marcos Manotoc matapos inirekomenda ng Emergency Operation Center for COVID-19 Contact Tracing Team ang total lockdown sa kapitolyo.
Ito ay matapos maitala ang 11 na bilang ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan na nagpositibo sa COVID-19 kung saan anim sa mga ito ay sa kapitolyo at lima sa Ilocos Norte Provincial Jail.
Sinabi ni Major Roxanne Parado na bago niya ito sinabi sa gobernador ay nakaipagpulong siya sa mga health consultants ng lalawigan.
Iginiit nito na base sa national guidelines, kung mayroong dalawa o mas marami pa ang nagpositibo sa virus na empleado ay kailangan i-lockdown ito.
Una nang ipinatupad ni Manotoc ang skeletal workforce at work from home sa lahat ng mga empleyado dahil sa sunod-sunod na pagkakatala ng mga nagpopositibo sa virus.
Nanatili naman na naka-lockdown ang Bids and Awards Committee, General Services Office at Provincial Treasury Office.
Maalala na unang nagpositibo sa virus ang babaeng empleyado o si IN-C187 at kalaunan ay sumunod ang kanyang mga close contact dahilan para umabot sa nasabing bilang nga mga natamaan ng covid.
Samantala, mahigpit naman na naipapatupad ang No SafePass, No Entry, maliban sa pagsusuot ng face mask at face shield sa kapitolyo.