Aminado si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Ronald Dela Rosa na hindi nila nakamit ang “total victory” sa giyera kontra iligal na droga ng Duterte administration.
Pero batay daw sa kanyang assessement panalo ang PNP dahil nagawa nilang buwagin ang mga drug laboratories sa bansa at sa ngayon pawala na ang droga.
Giit ni Dela Rosa, “very challenging” sa kanila na pangunahan ang war on drugs.
Gayunman, malaki aniya ang naging kontribusyon ng PNP sa kampanya kontra droga kung saan 100 percent ng resources nito ang kanilang inilaan para masawata ang iligal na droga sa bansa.
Ibinunyag din ni PNP Chief na tinawagan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte dalawang araw bago ibaba ang memo kung saan binabawi na sa PNP ang kapangyarihan na pangunahan ang kampanya kontra droga.
Sinabihan daw siya ng Pangulo na magpahinga na sila sa kanilang war on drugs.
Sinagot daw niya ang pangulo na tanggap nila at pagod na rin ang mga pulis sa mga operation kontra drug personalities.
Giit ni PNP chief na sinunod lang ng Pangulo ang batas na PDEA ang manguna sa anti- drug operation.
Dagdag pa nito walang sinabi ang chief executive kung kailan ibabalik uli sa kanila ang kapangyarihan na pangunahan ang mga drug operations.
Magugunita na ito ang ikalawang beses na binawi ng pangulo ang kapangyarihan sa PNP.