LEGAZPI CITY – Inatasan na ng alkalde ng bayan ng Cataingan, Masbate ang Municipal Engineering Office na agad pasimulan ang demolisyon ng mga istruktura at residential houses na idineklarang totally damaged dahil sa malakas na lindol.
Inihayag ni Mayor Felipe Cabataña sa Bombo Radyo Legazpi, inihahanda na ang pormal na direktiba ukol dito alinsunod sa probisyon ng National Building Code of the Philippines.
Naniniguro lamang umano si Cabataña lalo na sa mga residenteng magpupumilit na pumasok sa mga delikadong istruktura.
Maliban sa higit 30 totally damaged houses sa bayan, kasama ring gigibain ang public market at nasirang simbahan.
Habang hindi pa naaayos ang mga bahay, mananatili muna ang mga residente sa mga paaralan sa Cataingan na binuksan sa pagtanggap ng evacuees.
Pinayagan naman ang mga market vendors na magtinda sa kalsada.
Sa ilang gusali na nagtamo ng minor damage, bukas ang lokal na pamahalaan na tumulong sa pagkumpuni.
Sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol, nasa kabuuang 504 na kabahayan ang napinsala sa Masbate habang 1,957 na indibidwal ang apektado.