TAGUIG CITY – Mistulang nabunutan ng tinik si Maguindanao Rep. Ismael “Toto” Mangudadatu matapos na ibaba ang hatol na guilty sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan kaugnay sa kanilang naging papel sa Maguindanao massacre case 10 taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Mangudadatu, naging makabuluhan ang haba ng panahong iginugol nila sa paghihintay ng hustisya ng mga kapwa niya biktima ng Maguindanao massacre.
Patunay lamang aniya ang guilty verdict sa mga pangunahing akusado sa masaker na buhay na buhay ang hustisya sa bansa.
Iginiit din ng mambabatas na hindi kailanman magiging mali ang pagpili sa tama at pagtitiwala nang lubos sa Diyos at sa Saligang Batas.
Bagama’t hindi aniya lahat ng akusado ay nahatulan ng pagkakakulong, natutuwa pa rin sila sapagkat habambuhay nang makukulong ang mga dapat masakdal.
Kasabay nito, todo pasalamat si Mangudadatu sa mga nagdasal at nagbigay ng suporta upang makamit ng mga naulila ng masaker ang inaasam-asam na katarungan.
Umaasa rin ang kongresista na ang hatol ng korte sa pangyayari ay magiging daan upang matuldukan ang karahasan sa kanilang probinsya.
Samantala, sinabi ni Mangudadatu na iaapela raw nila ang pagpapawalang-sala sa dalawang miyembro ng angkan ng Ampatuan na dawit din sa pagpatay sa kanyang asawa at dalawang kapatid.
Inihayag ni Mangudadatu na maghahain sila ng apela sa Court of Appeals at sa Korte Suprema kung kinakailangan para mahatulan ding guilty sina Sajid Islam Ampatuan, na kasalukuyang alkalde ng bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao; at kay Akmad “Tato” Ampatuan Sr.
“Matagal pa ito,” wika ni Mangudadatu.
Una rito, sa ibinabang hatol ni Judge Jocelyn Solis Reyes ng Quezon City Metropolitan Trial Court na hindi raw sapat ang mga ebidensya na magdidiin kina Sajid at Tato Ampatuan sa malagim na krimen.