Sumang-ayon si COVID-19 contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa naging assessment kamakailan ng World Health Organization na medyo mahina umano ang contact tracing efforts ng Pilipinas.
Sa isang public briefing, sinabi ni Magalong na sa ngayon ay pitong contact lamang ang natutukoy sa kada pasyenteng may COVID-19.
Paglalahad pa ni Magalong na sa ideyal na set-up, 37 contacts ang dapat matunton ng mga otoridad sa mga urban areas at 30 contacts sa rural areas.
Malaking factor umano sa mga lapses sa contact tracing sa ilang mga local government units ang kakulangan ng data encoding system.
“Mano-mano pa rin and arbitrary pa rin nila fini-fill out,” wika ni Magalong. “Hula-hula na lang, pero ‘pag tatanungin mo sa kaniya, ano ba iyong line list contacts ni Magalong, wala silang maipakita… There is no system.”
Sa ngayon, sinabi ng alkalde na bumubuo na ang mga kinauukulan ng iisang data collection tool.
“It should be leadership-driven, dapat talagang makialam at deeply involved ang ating local government officials, especially mayors,” dagdag nito.