-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Isang tour guide coordinator sa Isla ng Boracay ang nagsauli ng isang pouch na naglalaman ng P150,000 ng pera.

Ayon kay Jovanni Cooper, residente ng Sitio Tabon Bukid, Barangay Caticlan, Malay na habang naglalakad sa front beach nang mapansin nito ang isang checkered na pouch na kulay brown sa isang money changer shop sa Barangay Manocmanoc, Boracay.

Nang siyasatin nito kung ano ang laman, natuklasan na naglalaman ang pouch ng ibat’ ibang currency ng pera tulad ng Philippine Peso, Korean Won at Japanese Yen gayundin ng ATM cards at mga identification cards.

Agad isinurender ni Cooper ang nakitang cash sa Malay Municipal Police Station upang matulungan siyang mahanap ang may-ari.

Nang matuntun, nabatid na ang pouch ay pagmamay-ari ni Han Kyunge-A, isang Korean national at nagbabakasyon sa Boracay.

Nagpapalit umano ito ng pera nang hindi napasin na nahulog ang kanyang pouch.

Bilang pasasalamat, nagbigay ang turista ng reward dahil sa pagiging tapat nito.

Si Cooper ay matagal ng nagtatrabaho bilang tour coordinator sa Boracay.