-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ipinagbabawal pa rin ng provincial government ng Albay ang pagpasok ng mga turista sa loob ng 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon sa kabila ng ipinatupad ng decampment ng mga evacuees.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lorena Quising ang Admin Aide 1 ng Provincial Government ng Albay, tanging ang pagbalik lamang ng mga residente sa kanilang mga tahanan ang pinapayagan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang mountain climbing, hiking, all-terrain vehicle rides at iba pang mga aktibidad sa Bulkang Mayon na dinarayo ng mga turista.

Bawal rin maging ang pag-akyat ng mga residente papunta sa kanilang mga taniman sa taas ng bulkan dahil sa patuloy pang mga pag-aalburuto nito.

Tiniyak naman ng opisyal na mananatiling nakatutok ang mga otoridad sa sitwasyon ng bulkan upang matiyak ang seguridad ng mga residente hanggang sa maibaba na ang alert status nito na kasalukuyang nasa level 3.