-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hinihintay pa ng Tourism Congress of the Philippines (TCP) ang desisyon ng Department of Health (DOH) kaugnay sa kanilang apela na bawiin ng gobyerno ang travel ban sa Taiwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay TCP president Jose Clemente III, aminado itong malaki ang epekto ng travel ban sa Taiwan sa turismo ng bansa dahil maraming pasahero ang stranded.

Kahapon, humarap ang TCP sa public hearing ng Kamara ukol sa epekto ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa ekonomiya ng bansa, at dito hiniling ni Clemente na sana pahihintulutan na ang mga flights mula sa Taiwan na pumasok sa Pilipinas.

Ayon kay Clemente, mas marami ang kumpirmadong coronavirus cases sa Singapore kompara sa Taiwan ngunit hindi sakop ng travel ban ang Singapore.

Base sa record sa Boracay ayon sa TCP president, umabot na sa 40 hanggang 60 porsyento ang cancellation sa mga booking o katumbas ng P100 million na nalugi sa mga negosyo sa isla.

Gumagawa naman ng paraan ang TCP at Department of Tourism upang maengganyo ang mga domestic tourists na tangkilikin nalang muna ang mga tourist destinations sa Pilipinas sa halip na bumiyahe sa abroad.