VIGAN CITY – Pinangunahan ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat ang opening ng bagong tourist destination sa lalawigan ng Ilocos Sur, ang Caniaw Heritage Tourism Park sa Sitio Caniaw, Taleb, Bantay.
Sa mensahe nito kahapon, binati ni Puyat ang provincial government sa matagumpay nitong pag-develop sa lugar kung saan nanggagaling dati ang natural na tubig na nagsusuplay sa mga residente sa lungsod ng Vigan at bayan ng Bantay.
Aniya, iilan na lamang ang mga kagaya ng provincial government ng Ilocos Sur na kasabay nga pag-unlad ng sektor ng turismo ay napapanatili at nasusunod pa rin ang iba’t ibang mga environmental laws.
Ikinagalak din nito ang pakikipag-ugnayan sa Department of Tourism (DoT) ng mga opisyal sa lalawigan kung kaya’t inaasahan nito na mas titibay pa ang samahan ng kaniyang ahensya at ng provincial government ng Ilocos Sur.
Ipinangako naman ng opisyal na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang mai-promote sa mga turista ang bagong tourist destination sa lalawigan ng Ilocos Sur kung saan maaari silang mag-mountain tapping, mayroon pang tree walk adventure, aerial walk at iba pa.