BUTUAN CITY – Pinapaigting ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang pagbabakuna sa mga tourism workers ng Siargao Island, sa lalawigan ng Surigao del Norte matapos pangunahan ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat kasama si Inter-Agency Task Force (IATF) deputy chief implementer Vince Dizon sa pagdadala ng 2,000 doses na mga Sinovac vaccines.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng Siargaonon na si Roel Catoto, na “first come, first serve basis” ang pagtuturok dahil aabot sa 13,000 ang mga tourism workers ang nasa nasabing isla.
Napag-alaman na sa ngayon mayroon 800 mga tourism workers ang nabakunahan na ng COVID-19 matapos mag-avail sa vaccination roll out ng pamahalaan.
Ang pagpapaturok ng DOT sa mga tourism workers ng Siargao Island ang syang inaasahang magpapalakas pa sa tourism industry ng Siargao matapos maapektuhan ng pandemya.
Ipinangako umano ni Puyat na magpapatuloy ito sa mga tourism workers sa nasabing isla hanggang sa makompleto na ang pagtuturok sa kanila.